I got this message in my inbox from the Philippine Embassy for the Filipinos in Korea…
PANAWAGAN SA MGA PILIPINO SA SOUTH KOREA
Isang linggo na lamang ang natitira bago matapos ang isang buwang palugit na itinakda ng batas sa pagboto para sa 2013 Philippine national and local elections sa labas ng bansa. Nasa 9,000 ang bilang ng eligible voters sa South Korea, ngunit nitong nakaraang tatlong linggo, 230 pa lamang ang bumoto.
Nauunawaan naming may kaakibat na abala ang pagpunta sa Embahada sa Seoul, pati na ang magpaalam at magpaliwanag sa sajangnim o asawang Koreano para lumiban sa trabaho, eskuwela o sa gawaing pambahay. Subalit, kung ating titingnan, ito ay isang beses lamang sa bawa’t tatlong taon na ating gagawin. Bukod dito, ito ay isang mahalagang tungkulin at pagkakataon upang ating maipapakita natin na kaisa tayo sa pagtataguyod malayang pagpili sa mga bagong pinuno ng ating pamahalaan, kahit wala tayo sa Pilipinas.
Sa pagkakataong ito, ang inyo pong Embahada ay muling nananawagan sa inyo upang samantalahin ang nalalabing panahon para lumahok sa ating eleksiyon.
Ano po ang maaari nating gawin bukod sa pagboto:
1. Tumulong na manghikayat sa ating mga kakilala sa pagboto:
a. kung hindi man kayo botante, maaari ninyong samahan ang mga kaibigan sa kanilang pagboto;
b. mag-organisa ng araw, oras at sasakyan para sa sama-samang bumoto ang inyong barkada, church group o filcom orgazation sa Seoul;
2. Ikalat ang inpormasyon tungkol sa Overseas Voting sa iba’t-ibang paraan tulad ng pag-share ng panawagang ito sa facebook, pag-forward ng message tulad nito sa pamamagitan ng email, at pag-anunsyo tungkol sa voting period sa mga small gatherings, sa workers o multicultural centers, sa mga simbahan, at ibang pang mga okasyon.
ANG EMBAHADA AY BUKAS ARAW-ARAW, LUNES HANGGANG LINGGO, ALAS NUWEBE NG UMAGA HANGGANG ALAS SAIS NG GABI, MULA PA NOONG IKA-13 NG ABRIL HANGGANG SA IKA-13 NG MAYO, UPANG TANGGAPIN ANG INYONG BOTO. Kung hindi ninyo alam kung kayo ay nakarehistro, ang impormasyon ay maaaring makita sa announcement na ito – http://www.philembassy-seoul.com/ann_details.asp?id=558 .
Sa huling araw ng pagboto, sa Lunes, ika-13 ng Mayo, ang oras ng pagboto ay mula 9:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi. Pagkatapos nito ay magsisimula ang bilangan ng mga boto na siya ring gagawin sa Embahada.
Maraming salamat po.
Embassy of the Republic of the Philippines
Seoul, Republic of Korea