Hindi lang minsan ako nakatanggap ng mensahe sa Facebook kung ano ang gagawin nila.
Noong Marso 25, 2020 ay sinuspinde ng Korean Embassy ang pagproseso ng mga visa dahil lockdown sa Pilipinas at tumataas na bilang ng mga kaso. Ito naman ay binuksan uli noong Hunyo 10, 2020 at sinara uli noong Hulyo 16, 2020. Ang pinoproseso lang nila sa ngayon ay para sa may mga asawang Koreano, diplomats, officials, at para sa humanitarian reasons.
Ang pagsuspinde ng “visa processing” ay nakaapekto ng malaki sa mga pasado sa EPS-TOPIK na hindi makaalis at pati na rin sa mga “sincere workers”. Ang mga “sincere workers” ay nakapagtrabaho na sa Korea ng mahigit 4 na taon at 11 na buwan at gusto pa rin ng kanilang mga employer na patuloy na magtrabaho. Ngunit kailangan nilang umuwi ng Pilipinas at kumuha ng panibagong visa para rito.
Marami-rami na rin ang umuwi ng Pilipinas na umaasa na makabalik ng Korea dahil sila ay “sincere worker”. Pero dahil hindi pa nagbubukas ang Korean Embassy para sa E-9 visa, ang ilan ay “binitawan” na ng kanilang mga employer. Ang iba naman ay nagbabakasali pa rin na maayos na ang lahat.
Mahigit nang isang taon na walang Ambassador ang Pilipinas sa South Korea. At mistulang ang mga “stranded” na empleyado ay hindi alam kung sino ang makakatulong na maghanap ng solusyon sa kanilang problema. Ang Philippine Embassy ba sa Korea? Ang POEA sa Pilipinas? Ang HRD Korea? O ang Ministry of Justice? “Molla!”
Hindi iisang beses na nagdiskusyon kami ng kaibigan ko kung paano ba ang dapat gawin ng mga EPS worker na kababayan. Ordinaryong naninirahan lang naman kami dito sa Korea pero nakakapanlumo na mabasa ang mga petisyon ng ating mga kababayan sa mga Facebook posts ng Korea Times, Philippine Embassy in South Korea, at Korean Embassy in the Philippines lalo na at pawang wala namang sumasagot sa mga hinaing o katanungan nila.
Ang naisip lang namin ay baka kailangan na mag-petisyon sa website ng Presidente ng Korea. Dapat pangunahan ng mga organisasyon at may suporta ng mga employer. Ang petisyon sa website ng Presidente ay dapat magkaroon ng 200,000 na “signature” sa loob ng 30 araw bago ito maaksyunan. Hindi sigurado kung epektibo pero hindi malalaman kung hindi gagawin.
Ang mga EPS workers sa Pilipinas na hindi makaalis ay handang-handa na gawin ang lahat sa kanilang pagbabalik – 14-day na quarantine kahit sila mismo ang gumastos at COVID19 test bago umalis.
Noong isang buwan ay nagkaroon ng kaunting liwanag ng pumasa sa plenary session ng Kongreso ang panukalang amyendahan ang Foreign Employment Act para mapahaba ng isang taon ang pagtatrabaho ng mga foreign workers sa Korea. Ito ay dahil sa hirap ng paglabas at pagpasok sa bansa dahil sa pandemya. Patunay na hindi lang ang mga EPS workers ang nahihirapan sa sitwasyon, pati ang mga employer ay hirap sa produksyon.
Sa ngayon, ang tanging magagawa ay maghintay. Hindi madali magtrabaho sa ibang bansa at sigurado na kung ayos lang ang paghahanap-buhay sa Pilipinas ay hindi nanaisin ng mga kababayan natin na iwan ang pamilya para sa mas maayos na kita.