Last Saturday, thousands lit candles at the Gwanghwamun area to ask the president to resign. The reason is the current scandal that’s plaguing the Park Geun Hye government. Here is the story in Filipino specifically for the information of the Filipinos in Korea ~
Saan nga ba nag-umpisa ang tinatawag ngayon na “Choi Soon Shil-gate” o “Choi Soon Shil scandal”?
- Noong October 2015 ay itinayo ang Mir Foundation at noong January 2016 ang K-Sports Foundation. Ayon sa mga reports, isang araw lang ang lumipas bago na-aprubahan ang applications ng dalawang foundations na ‘to. Pangkaraniwan ng inaabot ng linggo o buwan bago ma-aprubahan pero isang araw lang ang inabot para sa Mir Foundation at K-Sports Foundation. Ang hinala ay may malaking tao na involve para maaprubahan agad ang application nila.
- Sa loob ng halos isang taon lang ay nakakolekta ng napakalaking donasyon ang dalawang foundations na ‘to. Merong hinala ng paninikil sa mga malalaking kumpanya para magbigay ng malaking donasyon. Isa na rito ang Lotte Group na iniimbestigahan din ng gobyerno.
- Noong bumisita ang presidente sa France noong Hunyo ay nag-organisa ng food event ang Mir Foundation. At noon namang bumisita sa Iran ay ang K-Sports Foundation ang nagpadala ng mga tao para sa taekwondo demonstration.
- Ang hinala ay may tao na malapit sa presidente para magawa ang mga bagay na nabanggit. At ang tao na ito ay si Choi Soon Shil na kaibigan ni Park Geun Hye sa loob ng mahigit 40 na taon.
Sino si Choi Soon Shil?
- Si Choi Soon Shil ay hindi politiko at hindi kasama sa gobyerno ni Park Geun Hye. Wala siyang opisyal na posisyon. Siya ay matagal o matalik na kaibigan ni Park Geun Hye.
- Siya ay ang pang-limang anak ni Choi Tae Min. Noong namatay ang nanay ni Park Geun Hye, nagpadala ng mensahe si Choi Tae Min kay Park Geun Hye para sabihin na nakakausap niya ang patay na ina nito. Inimbita ni Park Geun Hye si Choi Tae Min sa palasyo at sila ay naging magkaibigan. Ginamit ni Choi Tae Min ang tiwala ni Park Geun Hye para gumawa ng mga foundations na nangongolekta ng pera mula sa mga kumpanya. Ang tatay ni Park Geun Hye na si Park Chung Hee ay pinaimbestigahan si Choi Tae Min ngunit lagi siyang dinedepensahan ni Park Geun Hye.
- Noong namatay si Choi Tae Min ay si Choi Soon Shil ang pumalit sa pwesto niya bilang matalik na kaibigan ni Park Geun Hye. Noong naging presidente si Park Geun Hye, walang posisyon sa gobyerno si Choi Soon Shil pero natatanggap niya ang mga draft ng speech ni Park Geun Hye at ine-edit niya. Natatanggap din niya ang mga policy briefing ng gobyerno at nagbibigay ng opinyon dito.
- Ang dating chief of staff ni Park Geun Hye na si Jeong Yoon Hoe ay dating asawa ni Choi Soon Shil.
Paano lumaki ang iskandalo?
- Hindi lang dahil sa Mir Foundation at K-Sports Foundation kung bakit lumaki ang iskandalo. Noong Oktubre, ang mga estudyante sa Ewha Women’s University ay nagreklamo sa umano’y special treatment na nakukuha ng anak ni Choi Soon Shil na si Jeong Yoora. So Yoora ay isang atleta na lumalaban sa abroad. Ang pagpasok din niya sa Ewha ay dahil din daw sa bagong polisiya sa mga atleta na sadyang ginawa para siya ay maging kwalipikado. Nag-request ang mga propesor at estudyante na imbestigahan ang mga alegasyon at hiniling nila na magbitiw ang presidente ng Ewha. Dahil sa tumitinding alegasyon, umalis ng bansa sina Choi Soon Shil at kanyang ina. Habang wala sila, ang news program na JTBC ay nakakuha ng impormasyon tungkol sa naiwang tablet ni Choi Soon Shil na naglalaman ng ebidensiya na ang mga speech ng presidente ay pinapadala sa kanya at ine-edit niya.
- Ang alegasyon na pinagkakatiwalaan ng presidente si Choi Soon Shil tungkol sa mga bagay na dapat ay para lamang sa gobyerno ay isang malaking pambabastos sa batas ng bansa. Si Choi Soon Shil ay hindi miyembro ng gabinete at wala siyang posisyon para pagkatiwalaan sa mga bagay na nauukol lamang sa mga taong gobyerno.
- Ang alegasyon na naimpluwensiyahan ang presidente at ginagamit ang kapangyarihan para sa isang taong malapit sa kanya ay pambabalewala sa tiwalang ibinigay sa kanya ng taong bayan.
- Noong isang linggo ay humingi ng paumanhin ang presidente sa taong bayan.
Piyesta sa internet
- Dahil sa mga lumalabas na balita ay parang piyesta ang mga komento sa internet ~ may mga tumatawag sa presidente na “dak geun hye” or “chicken geun hye” at maraming lumalabas na mga haka-haka sa mga pangyayari sa administrasyon ngayon.
- May mga alegasyon na sa loob ng 7 oras na nawala si Park Geun Hye noong lumubog ang Sewol ay baka daw hinihintay pa niya ang sasabihin sa kanya ni Choi Soon Shil kung ano ang dapat gawin. Fair game na ang lahat ika nga.
- Kung meron daw “Mishil” ang Shilla, meron naman daw “Soonshil” ang Daehanminguk.
Sa Nobyembre 12 ay magkakaroon ng pagtitipon sa Seoul Plaza para hilingin na bumaba sa pwesto si Park Geun Hye. Ang 2017 ay ang huling taon niya bilang pangulo at magkakaroon sa susunod na taon. Ano kaya ang mangyayari sa lahat ng imbestigasyon? I-impeach ba siya o bababa siya sa pwesto? Abangan ang susunod na pangyayari.